May nabasa ako dito,

May nabasa ako dito, yung tungkol sa Sugar daddy, kaya heto ako, magsishare ng sa akin, ako nga pala si Rico, 34 years old . dating dancer sa bar.
Bago kayo mag-judge, teka lang, pakinggan niyo muna buong kwento ko.

Hindi ko rin pinangarap maging ganun, ha. Pero minsan kasi, pipilitin ka ng sitwasyon eh.
Wala na kasi akong magulang. Bata pa lang ako, kinuha na sila ni Lord, naaksidente sila sa tricycle.

Kaya lumaki ako sa tito at tita ko sa mother’s side, mababait sila, pero hirap din sa buhay.

Isipin niyo, limang pamangkin, tapos si Tito construction worker, si Tita labandera.
Kaya minsan ako na ‘yung taga-salok ng tubig, taga-bantay ng bata, taga-hugas ng pinggan.
Pero okay lang.
Sanay naman ako sa hirap,laking probinsya.

Nung tumuntong ako ng 19, nag-decide ako na lumuwas ng Maynila.
Sinama ako ng tropa ko, may trabaho daw siya duon, ipapasok nya daw ako.

Ang bitbit ko lang isang bag, naka tsinelas lang ako, at lakas ng luob.

May boarding house si Boknoy, duon muna kami tumuloy. Maliit lang, sabi nya pagpasensyahan na daw kung masikip, eh kako ok lang, sanay naman ako.

Hanggang isang gabi, sinama ako ng tropa kong si Boknoy sa bar, dun daw siya nagtatrabaho.
“Pre, try mo lang, malaki kita rito.”

Sabi ko, “Loko ka ba? Ako? Sasayaw?”

Sabi niya, “Wala namang mawawala, pre. Kailangan mo ng pera, ‘di ba?”

Ayun.
Kinabukasan, nag-audition ako.
At sa di ko maipaliwanag na dahilan , natanggap ako.
Sabi ko nga, “Ah ganun lang pala magpaseksi, gigiling giling.”

Pero sa totoo lang, kabado ako nung unang performance ko.
Parang gusto kong mawala sa stage, pero pag nakita mo na ‘yung mga babae nagtatawanan at naghahagis ng pera, nawawala rin kaba mo eh, haha.

Lumipas mga buwan, nasanay na ako.
Hindi ako proud, pero hindi rin ako nahihiya kasi dun ko kinukuha pambayad sa share ko sa boarding house, pagkain, at minsan, padala sa tito’t tita ko.
May mga suki na rin ako, yung iba lasing na tita, yung iba mga call center agent na gusto lang mag-good time.
Pero isang gabi, may dumating na bago.

Si Ma’am Bella.
Mga nasa late 50s siguro, pero classy.
Yung tipong kahit puti na buhok, ayos pa rin may pearl necklace, tapos amoy imported na pabango.
Tahimik lang siya habang nakaupo sa may bandang likod, pero pansin ko, nakatitig siya sa akin.
Kinabahan ako, para kaai akong kakainin ng buo.

After ng show, nilapitan ako ng waiter,
“Boss Rico, pinapatable ka ni Ma’am Bella.”

Sabi ko, “Ha? Sigurado ka?”

Ngumiti lang si waiter, “Oo, sabi niya ‘yung batang matangkad na parang kumikisay kisay.”
Sabay tawa.

Lumapit ako sa table niya, kabadong-kabado.
Sabi ko, “Ma’am, good evening po.”
Ngumiti siya, “Ikaw ‘yung sumasayaw kanina, ‘di ba?”
Sabi ko, “Opo, pasensya na po kung may kulang sa choreography, haha.”
Tawa siya nang mahina, “Ayos lang. Magaling ka naman sumayaw para sa akin.”

Medyo natawa ako dun, di ko alam kung compliment ba o hindi, haha.
Pero kinabahan ako lalo nung inabot niya ‘yung envelope.
“Para sa’yo.”

Nanlaki mata ko, Sabi ko, “Ay, Ma’am, sobra po yata ito”
Sabi niya, “Hindi ‘yan bayad sa katawan. Bayad ‘yan sa oras mo. Kailangan ko lang ng kausap.”

Tanong pa nya “Kumain kana ba?, halika, kumain ka muna oorder pa ako.”

Grabe, dun ako napatigil.

May mga babae nang nagbayad sa’kin noon para sa table, pero si Ma’am Bella.. ibang klase.
Hindi malandi, hindi bastos.
Parang genuine.

Lumipas mga ilang linggo, bumabalik siya palagi.
Minsan nga, ako na mismo nag-aabot ng upuan pag dumarating siya.

Hanggang sa naging parang routine na, siya lagi huling customer ko,



Doon ko siya nakilala nang totoo.
Sabi niya, dati raw teacher siya.
Tapos naloko ng first love niya, nilayasan siya at kinasal sa iba.
Simula noon, di na siya ulit nagmahal.
Kaya raw puro pusa na lang kasama niya sa bahay, sampu daw.
“Mas loyal pa sila sa tao,” sabi niya sabay tawa.

Natawa rin ako.
Pero nung tanungin niya ako tungkol sa buhay ko, dun ako natigilan.

Sabi ko, “Ma’am, ulila po ako. Nakikitira sa tito’t tita, gusto ko sanang mag-aral pero… wala pong budget. Kaya eto nag iipon”

Tahimik lang siya. Patango tango.

Tapos bigla siyang nagsalita,
“Gusto mo bang mag-aral ulit?”
Seryoso lang siya, “Tutulungan kita.
Kapalit lang, ikaw mag-aalaga sa’kin. Pero hindi bilang asawa o ano”

Napatawa ako, “Ma’am, wag niyo po akong lokohin ha.”

Sagot niya, “mukha ba akong manloloko?”

At ‘yun nga.
Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko, pero tinanggap ko.

Sabi ko, “Sige po. Pero wag niyo akong asahan sa make-up ha, marunong lang ako magluto ng itlog.”

Ngumiti siya, “Okay lang. Basta marunong ka magaruga ng tao at pusa.”

Kinabukasan, nagpaalam ako sa kaibigan ko, sabi pa niya, “Jackpot ka diyan ‘tol.”

Napapailing na lang ako. Saka naglakad.

At ayun nga, Sinundo na ako ni Ma’am Bella at lumipat ako sa bahay niya.

Grabe, ibang mundo talaga.
Sabi ko, “Malaki po pala bahay ninyo Ma’am Bella”
Sabi nya, “Nanay na lang”

Bahay na puro pusa, lahat may pangalan pa: Chanel, Dior, Hermes, Valentino, Gucci, Prada…

Sabi ko nga, “Nanay, ako na lang si Bench ha, para match sa mga pusa.”
Tawa siya nang tawa.

Hindi siya demanding, pero strikto sa disiplina.
Bawal magmura, bawal kumain sa sala, bawal din ang sapatos sa loob, bawal nakataas paa sa upuan habang kumakain.

Pero sa totoo lang, nakagaan ng loob ko.
Kasi first time kong makaramdam ng “tahanan.”
‘Yung may kumukumusta sa’yo tuwing umaga.
‘Yung may nag-aabang sa’yo pag uwi mo.

Habang tumatagal, parang nanay na rin talaga siya sa’kin.
Minsan, tinutulungan ko siyang magdilig ng halaman, tapos kwentuhan kami habang umiinom ng kape.

“Rico,” sabi niya minsan, “Salamat ha. Pumayag ka na makasama ako, akala ko tatanda akong mag-isa. Ninakawan kasi ako nung dati kong kasambahay eh.”
Sabi ko, “Wala po ‘yun, Nay. Kung tutuusin, ako dapat magpasalamat sa inyo.”

Pagdating ng 70th birthday niya, simpleng handaan lang.
Ako, siya, at mga pusa.

Sabi niya, “Wish ko, sana humaba pa buhay ko para makita kitang maging matagumpay.”
Sabi ko, “Abangan niyo po sa Facebook, Nay. Gagawan ko kayo ng tribute post.”
Tawa siya, “Basta, wag mo akong itag ha, baka sabihin ng mga kaibigan kong may sugar baby ako.”
Sabay tawa.

Pero isang araw, nagkasakit siya.
Matanda na talaga eh.
Ako nag-aalaga, nilulutuan ko, pinapaliguan, pinapainom ng gamot.
Sabi ko, “Nay, wag kang aalis ha, hindi ko pa alam paano i-trim ‘yung kuko ni Chanel.”
Ngumiti siya, mahina, “Kaya mo ‘yan anak.”

Hanggang dumating yung oras na tuluyan na siyang pumikit.
Tahimik. Walang sakit.
Pero grabe, ang bigat.
Parang nawalan ulit ako ng magulang.

Pagkatapos ng burol, pumasok ako sa kwarto nya, kahit papano, namimiss ko si Nanay Bella, napamahal na siya sa akin bilang nanay. Sa kanya ko naramdaman pag aaruga at pagkalinga, na hindi ko naramdaman sa tunay kong magulang eh.

Sa side table, may box, sa ibabaw may sulat.
Nakasulat:
“Para kay Rico.”

Binuksan ko.
Nando’n ang title ng bahay, at isang liham.
“Rico, anak.
Salamat dahil tinupad mo ang pangako mo.
Hindi ko naranasan magmahal ulit sa lalaki,
pero dahil sa’yo, naramdaman kong minahal ako ng isang anak.
Ang bahay, lupa, at lahat ng pusa, sa’yo na.
May naiwan ako pera sa cabinet, gamitin mo yun para magsimula ng maliit na negosyo.
P.S. Wag ka nang bumalik sa bar.
Mas bagay ka sa buhay na may dangal.”

Ngayon, ako na ang nag-aalaga sa mga pusa niya.
Naiiyak ako kapag naaalala ko si Nanay Bella, nawalan kasi ulit ako ng magulang eh.

Naalala ko pa nung burol, may lumapit sa akin, amiga daw ni Nanay Bella, nagtanong ng, “ikaw ba yung boytoy ni Bella?”

Sinagot ko siya ng, “Hindi po ako boytoy, scholar at caregiver na din po ako ni Nanay”

Pero sa loob-loob ko,
hindi ko malilimutan ‘yung babaeng unang tumable sa’kin,
hindi para sa kalandian,
kundi para bigyan ako ng pag-asa.

At tuwing gabi, pag naririnig kong naglalaro si Chanel at Hermes sa sala,
sasabihin ko sa hangin,
“Nay, salamat ha.
Nabago mo buhay ko, isang sayaw lang ang simula.”

Edited: 59 pero classy si Nanay Bella nung nakilala ni Rico. Typo error ko po yung age ni Rico, magkalapit po kasi ang 2 at 3, pasensya na po.
Yung mga pusa daw po is mga adopted stray cats sabi ni sender, baka daw po isipin na branded, mga mahahalin daw po kasi itsura nung nasa picture 😅